MANILA, Philippines — Asam ng Ateneo ang pang-anim na sunod na panalo sa pagharap kontra sa National University habang magtatagpo rin ang three-peat champion De La Salle Lady Spikers at Far Eastern University Lady Tamaraws ngayon sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP Volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Haharapin ng solo leader na Lady Eagles ang Lady Bulldogs sa alas-2 ng hapon at susundan ng laro ng Lady Spikers at Lady Tamaraws sa alas-4 ng hapon.
Kailangan ng Lady Eagles na magtagumpay laban sa Lady Bulldogs upang manatili sa solong liderato sa pagbubukas ng second round elimination simula sa Miyerkules, ngunit kung mabibigo sila makikisosyo sila sa top spot kasama ang mananalo sa laban ng DLSU Lady Spikers at FEU Lady Tamaraws sa parehong 5-2 cards.
Matapos mabigo sa mga kamay ng DLSU Lady Spikers, 14-25, 17-25, 25-16, 19-25 sa una nilang laro noong Pebrero 17, humataw ang Lady Eagles ng limang sunod na panalo kabilang na ang five-setter game kontra sa FEU Lady Tamaraws, 14-25, 19-25, 25-21, 25-18, 15-12 noong Pebrero 24.
Bukod sa FEU, nagwagi rin ang tropa ni coach Oliver Almadro sa UST Tigresses sa four sets, 25-21, 25-18, 16-25, 25-22 noong Pebrero 20 kaya tiyak na mataas ang confidence nina Kat Tolentino, Bea de Leon, Maddie Madayag, libero Kassandra Gequillana, Ponggay Gaston, Julianne Samonte at setter Deanna Wong.
Pero mahakaharap ng Lady Eagles ang Lady Bulldogs na galing rin sa upset win laban sa University of the Philippines Lady Maroons, 25-17, 14-25, 17-25, 25-23, 17-15 noong Miyerkules kaya mataas din ang tiwala ng tropa ni coach Norman Miguel.
Ang ibang panalo ng Lady Bulldogs ay sa University of the East Lady Warriors, 25-19, 25-23, 25-19 noong Pebrero 23.
Sa men’s division, itataya ng lider na FEU Tamaraws (6-0) ang malinis na kartada kontra sa DLSU Green Spikers (2-4) sa alas-10 ng umaga pagkatapos ng laban ng pumapangalawang NU Bulldogs (5-1) at Ateneo Blue Eagles (4-2) sa alas-8 ng umaga.