MANILA, Philippines — Posibleng ibang mga koponan ang makakasagupa ng Gilas Pilipinas ukol sa gagawing draw ng FIBA para sa 32 bansang sasabak sa 2019 World Cup sa China sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
Noong 2014 FIBA World Cup na idinaos sa Spain ay nakaharap ng Pilipinas sa first round ang Croatia, Argentina, Greece, Puerto Rico at Senegal.
Tinapos ng Gilas, hinawakan ni coach Chot Reyes kasama si naturalized player Andray Blatche, ang kanilang kampanya sa 1-4 kung saan ang tanging tinalo nila ay ang Senegal, 81-79 sa overtime.
Nabigo ang Pilipinas sa Croatia via overtime, 81-78, yumukod sa Greece, 82-70, natalo sa Argentina, 85-81 at nalusutan ng Puerto Rico, 77-73 na tinampukan ni Alab Pilipinas import Renaldo Balkman.
Itinakda bukas ang drawing of lots para sa 2019 FIBA World Cup sa Shenzhen Bay Arena na pamumunuan ni global ambassador at NBA legend Kobe Bryant.
“After March 16, then I think we can already set up some meetings to put up a time schedule, timeline for the preparation of the national team for the World Cup,” sabi ni Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao.
Ang Pilipinas ay kakatawanin nina Samahang Basketbol ng Pilipinas chairman emeritus Manny V. Pangilinan, PBA chairman Ricky Vargas, SBP president Al Panlilio, mga miyembro ng PBA Board of Governors at si PBA Commissioner Willie Marcial.
Dadalo rin sa event sina FIBA president Horacio Muratore ng Argentina, FIBA secretary-general Andreas Zagklis ng Greece, Chinese Basketball Association chairman at NBA legend Yao Ming.