Spanish rider kampeon sa 2019 LBC Ronda

Itinaas ni Francisco Mancebo-Perez ng Spain ang kanyang mga kamay bilang kampeon ng 2019 LBC Ronda.
(Kuha ni Ernie Peñaredondo)

MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ni Spanish rider Francisco Mancebo-Perez ng Matrix Po­­wertag Japan ang korona ng 2019 LBC Ronda Pilipinas na nagtapos sa Pandan Bay Institute sa Antique kahapon.

Tinapos ng 42-anyos na beterano ng Tour de France na si Mancebo-Perez ang nasabing li­mang araw na karera sa kabuuang 19:26:30 oras para itakas ang korona sa UCI-sanctioned karera, ang kanyang una simula nang pangunahan ang Tour of Egypt mahigit apat na taon na ang nakaraan.

“I’m so happy it was over and we won.  The team, not just myself, worked hard to make this win happen, it was really team work,” sabi ni Mancebo-Perez, ang fourth finisher sa prehistiyosong Tour de France noong 2005.

Nasungkit naman ni Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance at kampeon sa nakaraang taon ang ikalawang puwesto mahigit 3:20 ang oras sa likuran ni Mancebo-Perez, habang si Dominic Perez ng 7-Eleven Cliqq-Air 21 by Roadbike Philippines ang ikatlong overall individual finisher mahigit tatlong segundo sa likuran ni Oranza.

Ang 2016 at 2017 Ronda King na si Jan Paul Morales ng Navy ay mahigit 4:03 ang agwat sa likuran ni Perez upang tumapos sa pang-apat na puwesto, habang pang-lima si Sano Junya ng Matrix (4:21 agwat) kasunod si Joo Daeyeong ng Korea Korail (4:26 agwat), Irish Valenzuela ng 7-Eleven (4:48 agwat), Mark Julius Bordeos ng Army-Bicycology (4:48 agwat), Rustom Lim ng 7-Eleven (4:56 agwat) at Rudy Roque ng Navy (5:42 agwat).

Dinomina rin ng Matrix team ni Mancebo-Perez ang overall team classification sa kabuuang oras na  58:31:36, kasunod ang 7-Eleven sa mahigit 00:12 sa Matrix at Navy 0:56 sa likuran ng 7-Eleven.

Nakuha ni Junrey Navarra ng Navy ang  overall points sa classification winner at si George Oconer ng 7-Eleven sa overall mountains.

Show comments