MANILA, Philippines — May misyon si dating Petron import Lindsay Stalzer sa pagbabalik-aksyon nito sa 2019 Philippine Superliga Grand Prix na papalo sa Sabado sa Ynares Arena sa Pasig City.
Sa pagkakataong ito, susuotin ni Stalzer ang jersey ng F2 Logistics at umaasa itong matutulungan ang Cargo Movers na mabawi ang kampeonato.
Si Stalzer ang itinuturing na best import hawak ang tatlong korona sa kanyang anim na taong paglalaro sa liga.
Dinala nito ang Foton sa dalawang sunod na kampeonato noong 2015 at 2016 bago sumama sa Blaze Spikers noong 2017.
Nagtapos lamang bilang runner-up ang Petron sa naturang taon.
Ngunit nakabawi ito noong 2018 nang payukuin ng Blaze Spikers ang Cargo Movers sa finals.
Sa 2019 season, muling masusubukan ang pakikisama ni Stalzer dahil panibagong pamilya ang sasamahan nito--ang Cargo Movers na minsan nitong itinuring na mortal na karibal.
Kaya naman mababaliktad na ang sitwasyon.
At isa ang Petron sa bago nitong magiging mortal na kalaban sa loob ng court.
Ngayon pa lang, inaabangan na ang unang pagtutuos ng Petron at F2 Logistics sa kumperensiyang ito sa Marso 7 sa The Arena sa San Juan City.
Makakasama ni Stalzer bilang import si Italian-American Becky Perry.