4 na dating kampeon bakbakan sa LBC Ronda

MANILA, Philippines — Apat na dating kampeon kabilang na si two-time titlist Santy Barnachea ng Team Franzia ang mangunguna sa kampanya ng bansa sa  2019 LBC Ronda Pilipinas na mag-uumpisa na bukas (Biyernes) sa Iloilo City.

Sa kabila ng kanyang edad na 42, malakas pa rin ang tiwala ni Barnachea sa magandang kampanya kasama sina dating Ronda champions Ronald Oranza at Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance at Irish Valenzuela ng 7-Eleven Cliqq.

Si Barnachea ay kampeon sa nasabing karera noong 2011 at 2015 habang si Oranza ang nagdedepensang kampeon at dinomina naman ni Morales ang karera ng dalawang sunod noong 2016 at 2017. Si Valenzuela naman ang hari ng Ronda noong 2012.

“It will be tough for sure but I still feel I still have what it takes to compete against the best,” sabi ni Barnachea.

 Kasama ni Barnachea sa  Team Franzia sina  Alvin Mandi,  Kentz Krog, Dennis Gabaldon, Ryan Tugawin at Allan Benito. Si Benis Caw naman ang manager.

Bukod sa Team Franzia ang ibang koponan mula sa host Philippines ay ang Continental teams Go For Gold at 7 Eleven Cliqq,  Bike Xtreme, Army Bicyco­logy at Team Tarlac.

Inaasahan ang mabibigat na hamon mula sa mga foreign riders na sasabak sa UCI-sanctioned competition sa hangarin na makakuha ng 2020 Olympic  Games Qualifying points.

Show comments