Lady Chiefs sa finals; Lady Altas buhay pa
MANILA, Philippines — Inilampaso ng Arellano University ang San Beda University, 25-18, 25-21, 25-23 para umusad sa finals ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Isang matamis na paghihiganti ito para sa Arellano matapos lumasap ng kabiguan sa San Beda sa eliminasyon na siyang naging dahilan upang mabigo ang tropa na makumpleto ang 9-0 elimination sweep.
Nag-aalab si outside hitter Regine Arocha matapos magrehistro ng 13 attacks, dalawang blocks at dalawang aces para pamunuan ang pagmartsa ng Lady Chiefs sa finals.
“Nung natalo kami sa San Beda sobrang nasaktan kami doon. Kaya sinabi lang namin sa sarili namin na ayaw na namin maulit yun. Malaking lesson para sa amin yun,” ani Arocha.
Matikas din ang inilaro ni dating Rookie of the Year awardee Necole Ebuen na nagtala ng 11 hits at 13 digs habang nag-ambag naman sina Alyana San Gregorio at Carla Donato ng tig-11 markers para sa Arellano.
Dominado ng Lady Chiefs ang lahat ng scoring department kung saan nakuha nito ang 41-34 edge sa attacks at 6-5 kalamangan sa aces habang humatak ang tropa ng 11 blocks kumpara sa apat lamang ng Lady Red Spikers.
Malaking puntos ito para tabunan ang 19 errors ng Arellano.
Maganda rin ang koneksiyon nina playmaker Rhea Ramirez na nakagawa ng 24 excellent sets at libero Faye Flores na may 14 digs at 12 receptions sa larong tumagal lamang ng 76 minuto.
Sa ikalawang laro, sinorpresa ng University of Perpetual Help System Dalta ang top seed College of Saint Benilde, 25-23 25-21 20-25 25-23 upang maipuwersa ang rubber match sa hiwalay na semis series.
Bumandera si Cindy Imbo na humataw ng 19 puntos mula sa 16 attacks at tatlong aces para pamunuan ang Lady Altas sa pagwasak sa twice-to-beat ng Lady Blazers.
Lalaruin ang do-or-die game ng Perpetual Help at Benilde sa Martes.
- Latest