MANILA, Philippines — Nakasungkit ng 20 Olympic qualifying points si Margielyn Didal habang ang Filipino-American na si Christiana Means ay nakakuha ng 11.8 puntos sa katatapos lamang na 2019 Street League Skateboarding (SLS) World Championship na ginanap sa Rio de Janeiro, Brazil.
Umabot sa semifinal round ang dalawang Pinay campaigners ngunit bigong umusad sa Finals ng kumpetisyon na dinomina nina hometown bet Leticia Bufoni ng Brazil at mga Amerikanong sina Mariah Duran at Lacey Baker.
“Margie (Didal) and Tiana (Means) may have missed the finals, but they managed to place good in the rankings,’’ ayon kay Monty Mendigoria, ang presidente ng Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines.
Bagama’t bigong umusad sa Finals ng kumpetisyon na sinalihan ng top 54 skateboarders sa buong mundo, nakakuha sila ng pag-asa na makalahok sa asam na 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Tumapos si Didal sa pang-14th overall habang ika-22 overall naman ang Oregon, USA-based na si Means sa kauna-unahang 2020 Olympic Qualifying tourney.
“Congratulations to both Christiana and Margie for making the semifinals in this prestigious tournament. Although we were not able to advance further, this is an important step in the Olympic qualifying,’’ sabi ni Go For Gold godfather Jeremy Go na sumusuporta kay Didal.
Matatandaang si Didal ay isa sa apat na babae na nag-uwi ng gintong medalya sa 18th Asian Games na ginanap sa Jakarta-Palembang, Indonesia noong nakaraang taon.