MANILA, Philippines — Pararangalan ng PBA Press Corps ang mga pinakamahuhusay noong nakaraang taon sa silver anniversary celebration ng kanilang Annual Awards Night ngayon sa Novotel Manila Araneta Center.
Ibibigay ang kabuuang 13 awards ng grupo ng mga print at online sportswriters na nagkokober ng PBA beat sa nasabing two-hour affair na inihahandog ng Cignal TV at pamamahalaan nina veteran broadcaster Sev Sarmenta at Rizza Diaz bilang hosts.
Itatampok sa event ang pagbibigay ng Virgilio ‘Baby’ Dalupan Coach of the Year trophy kay Magnolia Pambansang Manok mentor Chito Victolero, gumiya sa Hotshots para sa korona ng season-ending Governor’s Cup.
Bukod sa 43-anyos na si Victolero, ibibigay din ang Danny Floro Executive of the Year kay San Miguel Corporation (SMC) sports director Alfrancis Chua habang ang PBA Board sa pamumuno ni chairman Ricky Vargas ang gagawaran ng President’s Award.
Si Vargas, ang kasalukuyang Philippine Olympic Committee (POC) president, ang tatayo ring guest speaker ng event.
Sa unang pagkakataon sa 25-year history ng annual tradition – unang idinaos noong 1993 sa Dona Nena’s Restaurant – ibibigay ng Press Corps ang kauna-unahang Lifetime Achievement Award kay Alaska team owner Wilfred S. Uytengsu.