MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa nina Dennis Orcollo at James Aranas matapos patumbahin ang kanilang karibal upang humirit ng tiket sa Round-of-16 ng prestihiyosong 2019 World Pool Series Predator Grand Final na ginaganap sa Steinway Café-Billiards sa Astoria, New York.
Kinailangan ni Orcollo na gamitin ang malalim nitong karanasan para makuha ang pahirapang 11-9 panalo laban kay Mike Dechaine ng Amerika.
Sa kabilang banda, mas madali ang daang tinahak ni Aranas nang sorpresahin nito si dating world champion Darren Appleton ng Great Britain sa pamamagitan ng impresibong 11-4 demolisyon.
Puntirya ni Orcollo na makahirit ng tiket sa quarterfinals sa pakikipagtipan kay Mieszko Fortunski ng Poland na dumaan sa butas ng karayom sa losers’ bracket para makabalik sa kontensiyon.
Sasargo din si Aranas ng puwesto sa Round-of-8 sa pagsagupa nito kay Petri Makkonen ng Finland na galing din sa losers’ column.
Tuluyan namang namaalam sa kontensiyon sina 2017 World 9-Ball champion Carlo Biado, Daniel Dagotdot at Mhet Vergara matapos yumuko sa kani-kanilang do-or-die games sa losers’ bracket.