MANILA, Philippines — Pasok sa third round ang dalawang Pinoy cue masters sa 2019 World Pool Series Predator Grand Final na ginaganap sa Steinway Café-Billiards sa Astoria, New York.
Nagrehistro ng dalawang sunod na panalo sina dating world champion Dennis Orcollo at James Aranas para makahirit ng silya sa susunod na yugto ng naturang world meet.
May opening-round bye si Orcollo bago itarak ang 11-2 panalo laban kay Michael Yednak ng Amerika habang wagi si Aranas kina Michael Leahy ng US sa first round (11-1) at Petri Makkonen ng Finland sa 2nd round (11-7).
Aariba sa susunod na yugto si Orcollo laban kay Mike Dechaine ng Amerika na nagwagi kina Mohammad Ali Berjaoui ng Lebanon (11-2) at legendary Ralf Soquet ng Germany (11-6).
Haharapin naman ni Aranas si Darren Appleton ng Great Britain na nakakuha rin ng first-round bye at nagtala ng 11-10 desisyon kay Pinoy bet Carlo Biado.
Nahulog sa losers’ bracket si Biado kung saan makakaharap nito si Elvis Rodriguez ng Honduras.
Maliban kay Biado, bumagsak din sa losers’ column ang iba pang Pinoy entries na sina Daniel Dagotdot at Mhet Vergara.
Nagsumite muna si Dagotdot ng 11-3 panalo kay Gary O’Callaghan ng Ireland sa first round subalit natalo ito kay Ruslan Chinakov ng Russia (5-11) sa second round.