MANILA, Philippines — Hindi bilib si "Pambansang Kamao" Manny Pacquiao sa pagdurog ni Floyd Mayweather Jr. kay Tenshin Nasukawa ng Japan noong bisperas ng bagong taon.
"Anliit naman nun," sabi ni Pacquiao sa Inggles habang nag-eensayo sa Griffith Park.
Tumagal ng 136 segundo ang bakbakan ng dalawa sa kanilang exhibition bout sa RIZIN 14. Panuntunan ng boxing ang ginamit.
Panalo si Floyd nang ibato ng cornerman ni Nasukawa ang towel matapos mapabagsak ng tatlong beses ang 20-anyos na kickboxer. Hindi na nakakita ng round 2 ang matchup.
Nag-uwi ng $9-milyon ang boksingero para sa laban.
"Heto ang New Year's resolution ko. Lalaban lang ako sa mga beteranong kasinglaki o mas malaki sa akin," sabi ng fighting senator sa Inggles sa kanyang Twitter account.
Here is an early New Year's resolution. To continue to only fight experienced opponents who are my size or bigger. @PBC @TGBPromotions @SHOSports @ShowtimeBoxing @MGMGrandGarden @AXS #PacquiaoBroner
— Manny Pacquiao (@mannypacquiao) December 31, 2018
Hindi rin napigilan ni Manny na mag-repost ng video para pagtawanan ang laban nina Tenshin at Floyd.
Five feet four inches lang si Nasukawa habang five feet eight inches naman ang undefeated boxer.
Itataya ng 40-anyos na WBA welterweight champion ang kanyang belt sa ika-19 ng Enero sa Las Vegas laban sa Amerikanong si Adrien Broner.
Maaalalang nagharap sina Pacquiao taong 2015 kung saan nanalo si Floyd sa pamamagitan ng unanimous decision.
Nanindigan naman si Mayweather na mananatili siyang retirado, na tila nagsasara sa posibilidad ng rematch nila ni Pacman.
"You know, I did this just to entertain the fans in Japan. They wanted this to happen over here in Japan, so I said why not. So, once again, I’m still retired. I’m still 50-0 (Alam niyo, ginawa ko 'to para matuwa ang fans sa Japan. Gusto nilang mangyari ito dito, ang sabi ko 'Bakit hindi?' Again, retirado na'ko. Wala pa rin akong talo),” ayon kay Mayweather sa isang pahayag sa Saitama, Japan.