MANILA, Philippines — Sa araw na nabigo si Allaney Jia Doroy, umangat naman sa sosyohan sa 11th spot ang kababayang si Woman International Master Jan Jodilyn Fronda matapos pataubin si WFM Aashna Makhija ng Iran sa sixth round ng 7th Asian Continental Chess Championship (2nd Manny Pacquiao Cup) women’s division noong Sabado ng gabi sa Tiara Hotel sa Makati City.
Dahil sa panalo, lumapit na ang 24-anyos Olympiad veteran na si Fronda sa top ten sa kanyang 3.5 puntos at kasama sa 7-player logjam na kinabilangan din ni Woman GM Nguyen Thi Thanh ng Vietnam.
Sa ikatlong sunod na panalo ni Fronda, nanatling buhay ang pag-asa ng host team na makapasok sa top 10. Ang iba niyang panalo ay laban kay Wang Ying ng New Zealand at sa kababayang si Christy Lamiel Bernales sa second round ng event na sinusuportahan nina Sen. Manny Pacquiao, Philippine Sports Commission at NCFP president Butch Pichay.
Hindi naipagpatuloy ng 17-anyos na si Doroy ang winning form makaraang matalo kay WIM Gu Tianlu ng China kaya bumaba siya sa six-way tie sa 18th spot sa parehong sa tatlong puntos.
Nakuha naman ni Fronda ang pagkakataon na ituring bilang best performer ng bansa sa women’s division.
Sa men’s division, tumabla si GM John Paul Gomez kay GM Tran Tuan Mih ng Vietnam habang nagwagi si GM Joey Antonio kay Edsel Montoya at tabla naman sina IM Ricky De Guzman at GM Tan Zhongyi ng China.
Sina Gomez, Antonio, De Guzman at FM Mari Joseph Turqueza ay mayroon ng parehong tatlong puntos. Nanalo si Turqueza kay IM Jan Emmanuel Garcia sa ibang laro.