MANILA, Philippines — Mapanatiling malinis ang rekord ang parehong pupuntiryahin ng nagdedepensang Arellano University at San Beda University sa pagpapatuloy ng NCAA Season 94 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasalang ang San Beda na haharapin ang Jose Rizal University sa alas-12 kasunod ang pagsabak ng Arellano sa Lyceum of the Philippines sa alas-2.
Magkasalo ang Lady Chiefs at Lady Red Spikers sa liderato tangan ang magkatulad na 4-0 baraha.
Nasungkit ng Arellano ang ikaapat na panalo matapos igupo ang San Sebastian College-Recoletos, 25-15, 25-16, 25-12.
Naasahan ng Lady Chiefs sa naturang laro si Season 93 Rookie of the Year Necole Ebuen na nagtala ng 15 puntos gayundin sina Regine Arocha at Carla Donato na nagbigay din ng solidong kontribusyon.
Umaasa naman ang Lyceum na makakabangon ito sa dalawang sunod na kabiguan sa kamay ng San Beda at University of Perpetual Help System Dalta.
Nasa ikapitong puwesto ang Lady Pirates kasama ang Colegio de San Juan de Letran tangan ang magkatulad na 1-3 baraha.
Sa kabilang banda, mataas ang moral ng San Beda na humatak ng 23-25, 25-15, 25-23, 25-17 panalo kontra Emilio Aguinaldo College sa kanilang huling laro.
Bumabandera sa atake ng Lady Red Spikers sina Maria Nieza Viray at Cesca Racraquin na dalawang nangungunang scorers ng tropa.
Nakasakay ang JRU sa 2-2 marka.