Guiao buo na ang Final 12

Isinama ni Guiao sa 20-man national training pool ang 16-anyos na si Kai Sotto ng Ateneo Baby Eagles at si Ricci Rivero ng University of the Philippines Fighting Maroons.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Kung hindi magbabago ng plano ay inaasahang ihahayag bukas ni head coach Yeng Guiao ang Final 12 ng Team Pilipinas para sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Isinama ni Guiao sa 20-man national training pool ang 16-anyos na si Kai Sotto ng Ateneo Baby Eagles at si Ricci Rivero ng University of the Philippines Fighting Maroons.

Sinabi nina big man Beau Belga ng Rain or Shine at Poy Erram ng Blackwater na hindi nila binebeybi ang seven-footer na si Sotto dahil gusto rin nilang mapasama sa line-up ng Nationals sa pagsagupa sa Kazakhstan at Iran.

“Lahat naman kami gustong makasama sa Final 12, kaya talagang walang bigayan dito,” sabi ng 6'6 na si Belga.

“Makikita mo naman talaga kay Kai na seryoso siya sa training,” wika ng 6'8 na si Erram sa anak ni dating PBA slotman Irvin Sotto.“Sa training namin talagang masasanay siyang makipaglaban sa mga big men ng PBA like June Mar (Fajardo), Christian (Standhardinger), Beau and me.”

Sinabi ni Guiao na mayroon na siyang napiling anim na players para sa official line-up ng Team Pilipinas na lalaban sa Kazakhstan sa Biyernes at kontra sa Iran sa Lunes na parehong lalaruin sa alas-7:30 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.

Bukod kina Belga, Erram, Sotto at Rivero, ang iba pang miyembro ng training pool ay sina four-time PBA MVP June Mar Fajardo, Arwind Santos, Christian Standhardinger, Alex Cabagnot at Marcio Lassiter ng San Miguel, Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Scottie Thompson at LA Tenorio ng Barangay Ginebra, Paul Lee ng Magnolia, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Jayson Castro at Troy Rosario ng TNT Katropa, Matthew Wright ng Phoenix, Stanley Pringle ng NorthPort.

Opisyal namang nagpaalam kay Guiao si forward Ian Sangalang ng Magnolia sa training pool dahil sa kanyang injury.

Show comments