MANILA, Philippines — Iginupo ng Generika-Ayala ang Cocolife, 26-24, 20-25, 25-17, 25-19 para mainit na tapusin ang first round ng eliminasyon kahapon sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City.
Bida si outside hitter Patty Jane Orendain na pumalo ng 22 hits samantalang nagbigay ng matikas na suporta si Fiola Ceballos na kumana ng 20 attacks, 13 digs at 13 receptions para tapusin ng Lifesavers ang first round tangan ang 4-3 baraha.
“Kailangan pa namin i-improve yung depensa at communication. Nawawala kasi kami sa umpisa medyo nahihirapan kami makapag-adjust kaya mas kailangan namin na mag-usap-usap sa loob ng court kung ano ang gagawin namin,” ani Ceballos.
Naramdaman din si team captain Angeli Araneta na nagrehistro ng 14 attacks, dalawang blocks at dalawang aces habang umiskor si middle hitter Ria Meneses ng 14 hits para sa Generika-Ayala.
Sa ikalawang laro, pinasadsad ng F2 Logistics ang Smart Giga Hitters, 25-11, 25-22, 25-17 para wakasan ang first round taglay ang 5-2 marka.