MANILA, Philippines — Matamis na nasungkit ng St. Clare College of Caloocan ang kampeonato sa seniors division ng 18th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) na ginanap sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Pinayuko ng Saints ang Enderun Colleges sa pamamagitan ng pukpukang 82-77 desisyon sa Game 2 para makumpleto ang sweep sa best-of-three championship series.
Ito ang ikatlong sunod na korona ng Saints at ikaapat na titulo sa kabuuan.
Determinado ang Enderun na maipuwersa ang rubber match matapos magpakawala sina Valandre Chauca at Mark Joseph Nunez ng kaliwa’t kanang tres kasabay ng mainit na laro nina Michael de la Cruz at Mark Javen Gatdula.
Subalit agad itong nasawata ng St. Clare nang magsanib sina Junjie Hallare, Irven Palencia at Mohamed Pare para makuha ang halftime lead, 41-32.
Pumalag pa ang Titans nang makalapit ito sa 75-81 sa huling 1:14 ng laro bago tuluyang inangkin ng Saints ang panalo.
Doble ang selebrasyon ng St. Clare na naghari rin sa juniors division matapos hubaran ng korona ng Junior Saints ang Our Lady of Fatima University, 81-77.
Ito rin ang ikaapat na titulo ng Junior Saints.