Adamson Falcons babawi sa 2nd round

Maghaharap ang Soaring Falcons at Bulldogs nga­­yong alas-4 ng hapon matapos ang pagtatagpo ng Green Archers at Red Warriors sa alas-2 ng hapon.
Joey Mendoza/File

Laro Ngayon: (Mall of Asia Arena, Pasay City)

2 p.m. DLSU vs. UE (M)

4 p.m. NU vs. AdU (M)

MANILA, Philippines — Matapos maputol ang magandang umpisa, sisimulan  ng Adamson Soaring Falcons ang second round sa pag­harap kontra sa National University Bulldogs, habang mag­tatagpo naman ang DLSU Green Archers at UE Red Warriors sa Season 81 UAAP basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Maghaharap ang Soaring Falcons at Bulldogs nga­­yong alas-4 ng hapon matapos ang pagtatagpo ng Green Archers at Red Warriors sa alas-2 ng hapon.

Unang nabigo ang Falcons sa mga kamay ng Far Eastern University Tamaraws, 85-88, via overtime noong Oct. 7 na pumutol sa kanilang five-game winning streak at sinundan pa ng isa pang overtime setback laban sa Green Archers, 78-79, noong Sabado.

Sa dalawang pagkatalo ay bumaba ang Falcons ni coach Franz Pumaren sa solo second spot sa 5-2 kar­tada sa likuran ng nagdedepensang Ateneo Blue Eagles na hawak ang 6-2 baraha.

Ang kanilang kabiguan sa Green Archers ay pang-pitong sunod simula pa noong 2016, kaya 0-7 si Pumaren laban sa De La Salle hanggang ngayon.

Haharapin ng Falcons ang Bulldogs na nasa panga­nib na rin ang kampanya dahil sa 2-5 record.

Sa una nilang pagtatagpo ay inilampaso ng Falcons ang Bulldogs, 63-58, noong Setyembre 29, habang nag­­wagi ang Green Archers laban sa Red Warriors, 82-72, no­ong Setyembre 23.

Show comments