MANILA, Philippines — Dumiretso ang Philippine men’s team sa pang-limang sunod na panalo para sumosyo sa 13th place sa ika-10 at penultimate round ng 43rd World Chess Olympiad sa Batumi, Georgia noong Huwebes ng gabi.
Pinamunuan nina International Masters Jan Emmanuel Garcia at Haridas Pascua ang 3-1 panalo ng mga Pinoy chessers laban sa Ecuador.
Ito ang pang-limang sunod na panalo ng national men’s squad para makasama sa seven-country logjam sa No. 13 spot bitbit ang 14 match points.
Tinalo ni Garcia si FIDE Master Kevin Naboa sa 43 moves ng Scotch Game sa board three habang binigo ni Pascua si IM Migue Munoz Sanchez sa 33 moves ng English Opening sa last board.
Nakipag-draw naman sina Grand Masters Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez kina GM Carlos Matamoros Franco at IM Christian Barros.
Nagtabla naman sa liderato ang China, pinayukod ang dating solo leader na Poland, 3-1 at top seed at defending champion United States, tumalo sa Armenia, 2.5-1.5 sa magkatulad nilang 17 points.
Kasalukuyan pang nilalabanan ng mga Pinoy ang mga Vietnamese, nakipag-draw sa Germans, 2-2 habang isinusulat ito kagabi.