MANILA, Philippines — Matapos ang magkakasunod na kamalasan ay apat na dikit na panalo ang inangkin ng No. 54 seed na Philippine men's team para makapasok sa top 20.
Mula sa panalo ni International Master Jan Emmanuel Garcia ay tinalo ng national men's squad ang Zambia, 2.5-1.5 sa ninth round ng 43rd World Chess Olympiad sa Batumi, Georgia noong Miyerkules ng gabi.
Dinaig ng 22-anyos na si Garcia si Kela Kaulule Siame sa 60 moves ng English duel sa board three na siyang naging match-clincher.
Nakipag-draw naman sina Grand Masters Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez at IM Haridas Pascua kina IM Andrew Kayonde, FIDE Master Douglas Munebga at Prince Daniel Mulenga, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng mga Pinoy chessers para makasama sa isang 14-country logjam sa No. 20 spot sa kanilang 12 match points o apat na puntos ang agwat sa solo leader Poland, binigo ang nagdedepensang United States, 2.5-1.5 bitbit ang 16 points.
Maaari pang umakyat sa standings ang Nationals sakaling manaig sa 78th seed Ecuador, dinaig ang South Africa, 2.5-1.5 sa 10th at penultimate round.
Sa women’s play, bumawi ang mga Pinay players mula sa magkakasunod na kamalasan matapos ang 3-1 panalo kontra sa South Korea.
Nanaig sina WGM Janelle Mae Frayna, WFM Shania Mae Mendoza at WIM Bernadette Galas laban kina WFM Wang Chengjia, WFM Roza Eynula at Kim Yubin, ayon sa pagkakasunod.
Si WIM Marie Antoinette San Diego ang tanging natalo laban kay Park Sunwoo sa board three.