MANILA, Philippines — Nabigo ang No. 43 Philippine women’s team na magulat ang 25th seed na England at nakuntento sa isang 2-2 draw sa fifth round ng 43rd World Chess Olympiad sa Batumi, Georgia noong Biyernes ng gabi.
Umiskor ng panalo sina Woman FIDE Master Shania Mae Mendoza at Woman International Master Bernadette Galas nang talunin sina WFM Louise Head sa 35 moves ng Slav Defense at WIM Sue Maroroa sa 43 moves ng English duel, ayon sa pagkakasunod.
Nangailangan lamang ng isang draw para ungusan ang England, hindi ito nakumpleto nina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna at WIM Catherine Secopito at sumuko kina IM Jovanka Houska sa 56 moves ng King’s Indian attack at FM Akshaya Kalaiyalahan sa 68 moves ng King’s Indian setup, ayon sa pagkakasunod.
Nanatili ang mga Pinay sa 12th place sa 10-country logjam para sa No. 23 spot tangan ang 7.0 match points o tatlong puntos ang agwat sa solo leader na United States na tinalo ang Mongolia, 3.5-.5, para sa kanilang 10 points.
“Almost but not quite. But we’re happy with the result because it came against a higher-seeded team,” wika ni GM Jayson Gonzales, ang women’s non-playing coach.
Susunod na lalabanan ng mga Pinay ang 15th seed na Spain, gumiba sa Brazil, 4-0 sa sixth round.
Samantala, muling nakalasap ng kabiguan ang No. 54 na Philippine men’s team matapos yumukod sa No. 102 na Lebanon, 1.5-2.5 kung saan tanging si IM Haridas Pascua ang nakapagtala ng panalo kontra kay Maroun Tomb sa board three.
Nakipag-draw si GM Julio Catalino Sadorra kay IM Fadi Eid sa top board habang natalo si GM John Paul Gomez kay FM Amro El Jawich at sumuko si Turqueza kay Mahdi Al Kaoury sa fourth board.
Ito ang ikatlong sunod na kamalasan ng mga Pinoy na naglaglag sa kanila sa labas ng Top 100.