MANILA, Philippines — Ibinaon ni Prince Eze ang game-winning putback para hatakin ang University of Perpetual Help System Dalta sa 83-81 panalo laban sa Lyceum of the Philippines kahapon sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Napigilan ng Altas ang tangkang sweep ng Pirates na nakalasap ng unang kabiguan sa 13 pagsalang.
Nakalikom si Eze ng kabuuang 25 points at 23 rebounds para buhatin ang Altas sa 7-5 baraha.
Mainit din ang palad ni Edgar Charcos na naglista ng 20 markers, anim na assists, tatlong boards at dalawang steals.
Nanguna para sa Pirates si Jaycee Marcelino na umani ng 16 points.
Tangan ng Lyceum ang 81-79 bentahe nang isalpak ni Charcos ang layup para maitabla ang iskor may 68 segundo pang nalalabi.
Isang krusyal na turnover ang nagawa ng Pirates na sinamantala ng Altas kung saan nagmintis si Coronel sa rainbow territory ngunit naisalba ni Eze ang panalo matapos ang buzzer-beating basket.
Samantala, inilatag ni Bong Quinto ang kanyang ikatlong triple-double performance upang dalhin ang Colegio de San Juan de Letran sa 84-69 panalo laban sa Mapua University na nagdala sa kanila sa solong ikatlong puwesto.
Kumana si Quinto ng 11 points, 14 rebounds at 11 assists para pamunuan ang Knights sa pagkopo ng 8-4 rekord.
“It’s easier for him to do it because he’s one of the leaders of the team and he is familiar with his teammates,” wika ni Letran coach Jeff Napa.
Nagpasiklab din si JP Calvo na umani ng career-high na 26 points mula sa 9-of-13 shooting clip.
Napatatag naman ng College of Saint Benilde ang kapit nito sa No. 4 matapos igupo ang Arellano University, 89-73 kung saan umiskor si Fil-Am rookie Justin Gutang ng 23 points, limang boards, anim na assists at tatlong steals.
Sumulong ang Blazers sa 8-5 baraha.