MANILA, Philippines — Isang MMA fighter o isang kickboxer ang maaaring labanan ni Floyd Mayweather Jr. sa kanyang comeback fight bago sagupain si Manny Pacquiao sa isang rematch.
Ito ang inihayag ng 41-anyos na American world five-division titlist sa isang video sa TMZ Sports kahapon.
“I know everybody’s heard about the Mayweather-Pacquiao fight, but before the Mayweather-Pacquiao rematch, I will be back in Tokyo for a huge boxing event. Stay tuned,” sabi ni Mayweather.
Plano ni Mayweather na magtakda ng isang tune-up fight sa Tokyo, Japan sa Disyembre bago muling harapin ang 39-anyos na si Pacquiao sa susunod na taon.
Ito ay para muling ibalik sa magandang kondisyon ang kanyang katawan bago makipagtuos sa Filipino world eight-division champion sa ikalawang pagkakataon.
Huling lumaban si Mayweather noong Agosto ng 2017 kung saan tinalo niya si UFC superstar Conor McGregor via tenth-round TKO.
Sa kanilang unang bakbakan noong Mayo ng 2015 ay tinalo ni Mayweather si Pacquiao sa pamamagitan ng isang unanimous decision victory kasunod ang pagdadahilan ng Filipino boxing icon na mayroon siyang right shoulder injury.
Sinabi ni Mayweather na inaasahan niyang wala nang magiging dahilan si Pacquiao anuman ang maging resulta ng kanilang rematch.
Sa kanilang pagkikita sa isang music festival sa Tokyo ay pinag-usapan nina Pacquiao (60-7-2, 39 KOs) at Mayweather (50-0-0, 27 KOs) ang kanilang rematch.
Determinado si Mayweather na agawin kay Pacquiao ang hawak nitong World Boxing Association welterweight belt na inagaw ni ‘Pacman’ kay Lucas Matthysse ng Argentina via seventh-round TKO noong Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Wala namang balak si Pacquiao, sisimulan ang light training sa pagtatapos ng Setyembre, na isuko kay Mayweather ang kanyang WBA crown.