JAKARTA — Matapos ang isang gold at limang bronze medals, tahimik ang team Philippines sa ikalimang araw ng aksiyon ng 18th Asian Games na ginaganap sa iba’t ibang venues dito at sa Palembang.
Hindi nakapagdeliber ang pambatong gymnast na si Carlos Edriel Yulo, gold medalists sa 2017 Asian junior Championships, matapos manguna sa qualification round ng men’s floor exercise ng gymnastics competition na ginaganap sa Jakarta International Expo.
“Nagkamali po ako eh,” pahayag ng 18-gulang na si yulo, umiskor ng 14,500 sa floor exercise para pangunahan ang qualifying round ngunit tumapos lamang na pang-pito sa final round.
Ang tanging inaasahan kagabi ay ang RP Blu Girls sa softball para madagdagan ang dalawang bronze medal sa men at women’s poomsae team, dalawang bronze rin sa wushu mula kina Agatha Wong at Divine Wally at isa rin mula kay taekwondo jin Pauline Louise Lopez bukod pa sa gold medal ni weightlifter Hidilyn Diaz.
Kasalukuyan pang lumalaban ang RP Blu Girls kontra sa Chinese Taipei sa kanilang re-match habang sinusulat ang balitang ito kung saan ang mananalo ay uusad sa bronze medal match ngayon at makakalaban nito ang matatalo sa sagupaan ng top two teams na China at Japan.
Tumapos ang Blu Girls bilang No. 3 matapos ang 2-3 talo sa Taiwan kamakalawa ng gabi na naging daan ng kanilang rematch.
Sa semis round, maghaharap ang No. 1 at No. 2 teams gayundin ang No. 3 at No. 4. teams kung saan ang matatalo sa No. 1 at No. 2 ay haharap sa mananalo sa No. 3 at No. 4 para sa bronze medal match. Ang mananalo naman sa No. 3 at 4 ay haharap sa winner ng labanan ng top two teams para sa gold medal match.
Sa taekwondo, umabot ng quarterfinals ang SEA Games silver medalist na si Arven Alcantara ngunit hindi niya kinaya ang lakas ng taekwondo powerhouse Korean bet, world No. 1 na si Daehon Lee, 5-26 matapos ang 44-11 pananalasa kay Bahrain bet Abdulla Alahmed sa round-of-16.
Nabigo ring pumasok sa medal round si Baby Jesica Canabal na tinalo ni Nahid Kiyanichandeh ng Iran, 15-23 matapos itakas ang 18-17 panalo kay Ainur Yerbergenova ng Kazakhstan.
Sa archery sibak agad si Argentina Youth Olympic Games bound Nicole Marie Tagle sa recurve women’s individual matapos na mabigo sa Round of 16 kontra kay Chaeyoung Kang ng Unified Korea, 6-2 sa loob lamang ng apat na set na ginanap sa GBK Archery field.
Samantala, hindi naman nakalahok si BJ Ang sa 1100 Runabout Stock ng jet ski competition dahil hindi ini-release ng Indonesia customs bagama’t nasa airport na ang kanyang jetski noon pang Sabado.
“The issue was elevated at the Indonesia executive level,” pahayag ni Chief of Mission at fencing president Richard Gomez.