Tropa ni Guiao ‘di basta isusuko ang laban sa China

Naghahanap ng mapapasahan si Jordan Clarkson laban kay Maverick Ahanmisi sa kanilang ensayo bilang paghahanda sa China bukas.
Joey Mendoza

JAKARTA — Mabigat ang laban ng Philippine National  Basketball team ni coach Yeng Guiao sa 18th Asian Games.

Ang masaklap nito ay ang Asian basketball po­werhouse na China ang susunod na kalaban ng Phl team sa Martes matapos ang impresibong 96-59 panalo sa Kazakhstan noong Huwebes.

Paborito ang China na magkampeon sa kompe­tisyong gagawin sa Basketball Hall ng Gelora Bung Karno Sports Complex lalo pa’t palalakasin sila ng dalawang NBA player na sina Houston Rockets center Zhou Qi at Ding Yanyuhang ng Dallas Mavericks.

Kaya naman mala­king hamon ito para kay Guiao kahit pa kasama ng team ang Fil-Am Cleveland Ca­valiers player na si Jordan Clarkson para palakasin ang koponan na binubuo ng anim na core players ng Rain or Shine.

“We have to admit they’re the favorite, but we may have cut a little of the odds with the addition of Jordan Clarkson,” ani Guiao.

“They’re a powerhouse team while we’re a has­tily formed squad. But with Jordan, if we were 100 to one underdog before, we may now be 100 to 20.”

Bukod sa dalawang NBA player, nasa Chinese team din sina seven-foot Wang Zhelin, 6-9 third center Dong Hanlin, forwards Yu Changdong, Liu Zhixuan at guards Tian Yuxiang, Zhao Tailong, Sun Minghui, Fang Shao at Zhao Rui na nais ibangon ang China sa kanilang 5th place finish noong 2014 Korea Asiad.

Ang China ang kampeon sa  anim na edisyon ng Asian Games bago ang Incheon Asiad.

Ngunit nangako si Guiao na gagawin nila ang lahat para maging dikit ang laban at susubukan din nilang ipanalo ito.

Show comments