Tropa ni Guiao ‘di basta isusuko ang laban sa China
JAKARTA — Mabigat ang laban ng Philippine National Basketball team ni coach Yeng Guiao sa 18th Asian Games.
Ang masaklap nito ay ang Asian basketball powerhouse na China ang susunod na kalaban ng Phl team sa Martes matapos ang impresibong 96-59 panalo sa Kazakhstan noong Huwebes.
Paborito ang China na magkampeon sa kompetisyong gagawin sa Basketball Hall ng Gelora Bung Karno Sports Complex lalo pa’t palalakasin sila ng dalawang NBA player na sina Houston Rockets center Zhou Qi at Ding Yanyuhang ng Dallas Mavericks.
Kaya naman malaking hamon ito para kay Guiao kahit pa kasama ng team ang Fil-Am Cleveland Cavaliers player na si Jordan Clarkson para palakasin ang koponan na binubuo ng anim na core players ng Rain or Shine.
“We have to admit they’re the favorite, but we may have cut a little of the odds with the addition of Jordan Clarkson,” ani Guiao.
“They’re a powerhouse team while we’re a hastily formed squad. But with Jordan, if we were 100 to one underdog before, we may now be 100 to 20.”
Bukod sa dalawang NBA player, nasa Chinese team din sina seven-foot Wang Zhelin, 6-9 third center Dong Hanlin, forwards Yu Changdong, Liu Zhixuan at guards Tian Yuxiang, Zhao Tailong, Sun Minghui, Fang Shao at Zhao Rui na nais ibangon ang China sa kanilang 5th place finish noong 2014 Korea Asiad.
Ang China ang kampeon sa anim na edisyon ng Asian Games bago ang Incheon Asiad.
Ngunit nangako si Guiao na gagawin nila ang lahat para maging dikit ang laban at susubukan din nilang ipanalo ito.
- Latest