Strikers, Tigers nanalasa sa MPBL
Laro Ngayon(San Andres Sports Complex, Malate, Manila)
7 p.m. Pasay vs Basilan
9 p.m. Manila vs Bulacan
MANILA, Philippines — Nagwagi ang Bacoor Strikers laban sa Laguna Heroes, 91-86 habang inilampaso rin ng Davao Occidental Tigers ang Cebu City Sharks, 71-64 sa pagpapatuloy ng 2018 MPBL Datu Cup noong Martes ng gabi sa Strike Gym ng Bacoor City, Cavite.
Ginamit ng Strikers ang kanilang pagka-asintado sa free throw area kung saan umani sila ng pitong puntos sa krusyal stretch ng laro upang masungkit ang pang-apat na panalo sa anim na laro at makisosyo sa ikalawang puwesto kasama ang Zamboanga Valientes sa parehong 4-2 kartada sa likuran ng nangungunang Muntinlupa Cagers (4-0).
Tumapos si Gabriel Banal ng 25 puntos, 12 rebounds at anim na assists habang si Mark Montuano ay tumulong ng 20 puntos, siyam na rebounds, dalawang steals at isang assist para sa kanilang ikatlong sunod panalo sa Southern Division.
Nagpasiklab din ng double-double performance si Leo De Vera sa kanyang 17 puntos at 12 rebounds para sa tropa ni head coach Jonathan Reyes at ibaon ang Laguna sa pang-sampung puwesto sa 2-4 card sa South Division.
Sa iba pang laro, pinangunahan ni Mikee Reyez ang Davao Tigersi ni coach Don Dulay sa kanyang 14 puntos, walong rebounds, tatlong assists at dalawang steals habang sina Bonbon Custodio at Leo Najorda ay tumulong ng tig-13 puntos upang iangat ang koponan sa 3-3 record.
Ang Cebu City Sharks naman ay bumaba sa sosyohan sa pang-12th hanggang 13th puwesto sa Southern Division sa 1-5 card.
- Latest