MANILA, Philippines — Posibleng mabangasan pa ang lineup ng Foton Tornadoes para sa 2018 Philippine Superliga All-Filipino Conference.
Ito ay matapos mapaulat na nag-tryout din si Dindin Santiago-Manabat sa Japan para subukang makapaglaro sa isang international tournament.
Hindi kasabay ni Santiago-Manabat ang national team na tumulak sa Okayama, Japan.
Naunang umalis ang versatile spiker patungong Japan para sa umano’y ilang serye ng tryout na lala hukan nito.
Nakipagkita na lamang si Santiago-Manabat sa airport para makasama ang national team patungong Japan.
Kasalukuyang nagsasanay ang Pinay spikers sa Japan ngunit nakatakda itong bumalik sa bansa sa linggong ito bago tumulak patungong Jakarta, Indonesia upang magpartisipa sa 2018 Asian Games.
Wala pang opisyal na kumpirmasyon ang kampo ni Santiago-Manabat dahil magugunitang hindi maaaring isiwalat ng isang manlalaro ang posibleng koponang lalaruan nito base na rin sa kahilingan ng mga Japanese clubs.
Kaya naman mapipilayan ng husto ang Tornadoes para sa All-Filipino Conference.
Nanganganib ding mawala si Bea De Leon na nagpasyang gamitin ang kanyang final eligibility year sa Ateneo para naman sa UAAP Season 81 volleyball tournament na magsisimula sa unang bahagi ng 2019.