Tigresses nilapa ang Lady Red Spikers
MANILA, Philippines — Mabilis na pinataob ng University of Santo Tomas ang San Beda University, 25-18, 25-16, 25-21 upang makisosyo sa pamumuno sa PVL Season 2 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Mabangis ang Tigresses na dinomina ang laban mula umpisa hanggang dulo para masungkit ang ikatlong sunod na panalo at samahan sa tuktok ang wala pa ring talong Far Eastern University.
Matatalim ang pangil ni high school standout Eya Laure na nagpakawala ng 14 hits mula sa 12 attacks at dalawang blocks para sa UST.
Mailap ang panalo para sa Lady Red Spikers na umani ng 0-2 marka.
Tanging si Nieza Viray lamang ang nagtala ng double digits para sa San Beda hawak ang 17 puntos.
Sa unang laro, dinagit ng Adamson University ang ikalawang sunod na panalo nito matapos payukuin ang College of Saint Benilde, 25-22, 22-25, 25-22, 25-21.
Nagsanib-puwersa sina Christine Soyud at Bernadette Flora na parehong nagtala ng 17 markers habang maganda ang pagbabalik-aksiyon ni middle hitter Joy Dacoron na agad na nag-ambag ng 13 makers para sa Lady Falcons.
Dikit na dikit ang laban kung saan umabante ng bahagya ang Lady Blazers sa blocks (14-13), service area (7-6) at digs (77-76) ngunit nakaungos ang Lady Falcons sa attacks (44-39) at receptions (49-44).
Sa men’s division, natakasan ng University of Santo Tomas ang hamon ng De La Salle University, 25-19, 23-25, 17-25, 25-19, 15-10 upang manatiling malinis ang rekord nito.
Naungusan naman ng University of the Philippines ang Arellano University, 25-22, 25-21, 22-25, 25-19 para sumulong sa 2-0 baraha.
- Latest