Chan bumida sa Gin Kings
MANILA, Philippines — Ang dati nilang kamador na si Jeff Chan ang naging malaking tinik sa dibdib ng mga Elasto Painters sa fourth quarter.
Humugot si Chan ng 10 sa kanyang 21 points sa final canto para tulungan ang Barangay Ginebra sa 102-89 pagdurog sa Rain or Shine sa Game One ng kanilang semifinals series sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Nag-stick lang kami sa system namin at nag-focus kami sa defense,” ani Chan.
Kinuha ng Gin Kings ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals showdown ng Elasto Painters kahit wala si forward Japeth Aguilar, nagkaroon ng sprained left ankle sa quarterfinals duel nila ng Meralco Bolts.
Maagang itinayo ng Ginebra ang 20-7 abante sa opening period bago ito pinalaki sa 37-19 laban sa Rain or Shine sa unang tatlong minuto ng second quarter mula sa drive ni Chan.
Nailapit ng Painters ang laro sa pagtatapos ng first half, 45-52 hanggang makadikit sa 63-67 buhat sa four-point play ni James Yap kay Kevin Ferrer sa 4:03 minuto ng third period.
Sa final canto ay humataw naman ang Gin Kings ng 21-8 ratsada sa pagbibida ni Chan para ilista ang 97-78 kalamangan sa 5:28 minuto nito.
Samantala, dalawang panalo pa ang kailangan ng nagdedepensang San Miguel para sa kanilang record na ika-40 PBA Finals appearance.
At kung muling tatalunin ng Beermen ang Aces sa Game Two ay mailalapit nila ang sarili sa pagpasok sa best-of-seven championship series ng 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Nakatakda ang sagupaan ng Aces at Beermen ngayong alas-7 ng gabi sa Big Dome.
- Latest