De Luna kampeon sa Cole Dickson Memorial tourney

Gamit ang power breaks at solidong ball placements, naiselyo ni De Luna ang dikdikang 8-6 desisyon kontra kay American Tony Chohan para masiguro ang $2,300 premyo.

MANILA, Philippines — Nakumpleto ni Jeffrey De Luna ang matamis na sweep sa lahat ng asignatura nito para masungkit ang korona ng 6th Annual Cole Dickson Memorial Championship na ginanap sa Family Billiards sa San Francisco, California.

Gamit ang power breaks at solidong ball placements, naiselyo ni De Luna ang dikdikang 8-6 desisyon kontra kay American Tony Chohan para masiguro ang $2,300 premyo.

Nakamit naman ni Chohan ang $1,600 runner-up prize.

Nakasiguro si De Luna ng first-round bye bago isa-isang patumbahin sina Von Ryan Mendoza sa second round, Jason Williams sa third round, Bonnie Og sa fourth round, Yoli Handoko sa fifth round at Ian Costello sa quarterfinals.

Tinalo ni De Luna si Chohan sa semis ng winners’ bracket sa bisa ng 8-6 desisyon para makuha ang unang silya sa finals.

Ito ang ikalawang titulo ni De Luna sa taong ito matapos pagharian ang 2018 Sunshine State Pro-Am Tour noong nakaraang buwan sa Ocala, Florida. 

Show comments