Sa rambol ng Gilas vs Australia
MANILA, Philippines — Humingi ng paumanhin ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) matapos ang kaguluhang naganap sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Australia noong Lunes sa International Basketball Federation (FIBA) Asian Qualifiers third window sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Inilabas ng SBP ang statement nito kahapon sa pamamagitan ni SBP President Al Panlilio kung saan nag-sorry ang grupo sa buong Pinoy fans at buong basketball community.
Aminado si Panlilio na tila naisantabi ang tinaguriang Filipino hospitality na kilalang magandang kaugalian ng mga Pilipino sa buong mundo.
“The Samahang Basketbol ng Pilipinas apologizes to Filipino basketball fans and to the community for the incident that occurred during last night’s game. As a host, we regret having breached the bounds of traditional Filipino hospitality,” ani Panlilio.
Hihintayin din ng SBP ang anumang magiging desisyon ng FIBA sa nangyari.
“As the National team representing flag and country, we likewise extend our apologies to the Filipino people. SBP stands by its conviction that violence has no place in sports. We will review the incident comprehensively and await the decision of FIBA with respect to disciplinary proceedings on the matter,” anang statement.
Nauwi sa rambulan ang laban ng Gilas at Australia matapos magkainitan ang ilang manlalaro partikular na sina Gilas standout Roger Pogoy at Australian Christopher James Goulding.
Nagresulta ito sa pagpapatalsik nina Pogoy, Terrence Romeo, Carl Bryan Cruz, Calvin Abueva, Andray Blatche, Troy Rosario, Japeth Aguilar, Matthew Wright at Jayson Castro.
Sa panig ng Australia, nasibak sina Goulding, Nathan Sobey, National Basketball Association player Thon Maker at Daniel Kickert.
Nakuha ng Australia ang panalo via forfeiture kung saan itinigil na ang laro may isang minuto pang nalalabi sa third quarter matapos ma-foul out sina June Mar Fajardo at Gabe Norwood.
Tanging si Baser Amer na lamang ang natirang manlalaro kaya’t nagdesisyon na ang FIBA na itigil ito.
Related video: