Gilas, Australia nahaharap sa parusa ng FIBA
MANILA, Philippines — Mabigat na parusa ang inaasahang ipapataw ng International Basketball Federation (FIBA) sa Gilas Pilipinas at Australia.
Ito ay kaugnay sa nangyaring rambulan sa pagitan ng Nationals at mga Boomers sa third window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers noong Lunes sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
“Following the incident that occured in the third quarter of the Philippines-Australia game on Monday in the FIBA Basketball World Cup 2019 Asian Qualifiers, FIBA will now open disciplinary proceedings against both teams. The decision(s) will be communicated in the coming days,” sabi ng FIBA sa kanilang Twitter account.
Idineklarang panalo ang Australia sa kanilang 89-53 pagdurog sa Gilas Pilipinas para solohin ang liderato sa Group B patungo sa second round ng Asian Qualifiers.
Ang pagsiko ni 6-foot-10 Daniel Michael Kickert sa mukha ni guard RR Pogoy, naunang tumulak kay guard Chris Goulding, ang nagpasimula ng rambulan sa 4:01 minuto ng third quarter kung saan hawak ng Boomers ang 31-point lead, 79-48 kontra sa Nationals.
Umulan ng mga suntok at sipa ang magkabilang koponan na kinasangkutan nina naturalized center Andray Blatche, Jayson Castro, Calvin Abueva, Carl Bryan Cruz at Terrence Romeo.
Nang maawat ang lahat ay napatalsik sa laro sina Pogoy, Blatche, Cruz, Abueva, Castro, Romeo, Japeth Aguilar, Troy Rosario at Matthew Wright sa panig ng Gilas Pilipinas habang nasibak naman sina Kickert, Goulding, Nathay Sobey at Thon Maker ng Australia.
Tanging natira lamang sa bench ay sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood at Baser Amer.
Hihintayin ng Gilas Pilipinas at Australia ang magiging desisyon ng FIBA habang naghahanda para sa second round laban sa Iran, Kazakhstan at Qatar.
“It’s up to FIBA in the end. We need to face those consequences. It is what it is,” wika ni Nationals' coach Chot Reyes, sinabing si Kickert ang nagpasimula ng rambulan sa warm-up pa lamang.
- Latest