MANILA, Philippines — Pasok din sa Round-of-8 ang dalawang miyembro ng national boxing team matapos maglista ng unanimous decision win sa 2018 Thailand Open International Boxing Tournament na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Inilabas nina Carlo Paalam at Sugar Ray Ocana ang kanilang tikas para makasiguro ng tiket sa susunod na yugto ng torneong may nakalaang $1,500 sa magkakampeon, $750 sa runner-up at $500 sa mga bronze medallists.
Nakuha ni Paalam ang 30-26, 30-27, 30-27, 30-27, 30-27 desisyon kontra kay Matsumo Ryusei ng Japan sa men’s light flyweight (46-49 kg.) habang nanaig si Ocana laban kay Hsieh Kai-Yu ng Chinese-Taipei sa iskor na 30-27, 30-27, 30-27, 29-28, 29-28 sa men’s light welterweight (64 kg.).
Target ni Paalam na humirit ng tiket sa semis sa pakikipagtipan nito kay Samak Saehan ng host Thailand na nagsumite ng 4-1 desisyon laban kay Pelleha Muturanwelluge ng Sri Lanka.
Mapapalaban din si Ocana dahil lalarga ito kontra kay Tay Jia Wei ng Singapore na galing sa impresibong second-round referee-stopped-contest kontra kay Matteo Komadina ng Croatia.
Hahataw din sa quarterfinals si Marvin Tabamo kung saan makakatipan nito si Kim Inkyu ng South Korea sa men’s flyweight (52 kg.) gayundin si James Palicte kontra kay Kimura Rentaro ng Japan sa men’s lightweight (60 kg.). (CCo)