Junior chessers sumikwat ng 6 ginto

MANILA, Philippines — Anim na gintong medalya ang nasikwat ng junior chess team sa ASEAN+ Age Group Chess Championships na ginanap sa Royal Mandaya Hotel sa Davao City.

Nakahirit ng gintong medalya sina International Master Paulo Bersamina at WFM Shania Mendoza sa Under-20 division habang namayagpag naman sina Dale Bernardo sa Under-18, Ronald Canino Open Under-16, Kaye Lalaine Regidor sa girls’ Under-10 at Antonella Berthe Racasa sa girls’ Under-12.

Naka-draw ang two-time Olympiad veteran na si Bersamina kay IM John Marvin Miciano sa final round para makalikom ng 7.5 puntos habang ang Batumi World Chess Olympiad-bound na si Mendoza ay nanaig kay Laila Camel Nadera para tumapos din tangan ang 7.5 points.

Maliban sa ginto, nakahirit ng WIM title si Mendoza kalakip ang WGM norm.

Kasosyo naman ni Bernardo si Far Eastern University standout John Merill Jacutina sa unahan ng standings hawak ang magkatulad na pitong puntos.

Subalit nakuha ni Bernardo ang ginto dahil sa win-over-the-other rule dahil tinalo nito si Jacutina sa second round.

Nakatali rin sa three-way tie sa No. 1 spot si Canino kasama sina Vetnamese FM Pham Phu Vinh at Bui Duc Huy ngunit nagwagi ang Pinoy woodpusher dahil sa mas mataas na tiebreak points.

Show comments