Gomez kampeon sa Action Pool Tour

MANILA, Philippines — Winalis ni 2007 World 9-Ball runner-up Roberto Gomez ang lahat ng asignatura nito upang angkinin ang kampeonato sa 2018 Action Pool Tour na ginanap sa Diamond Billiards sa Midlothian, Virginia sa Amerika.

Pinataob ni Gomez sa championship round si American cue master Chris Bruner sa pamamagitan ng 11-7 desisyon.

Magandang sinimulan ni Gomez ang kampanya nito matapos payukuin si Soo Emmett sa iskor na 9-5.

Agad itong sinundan ng Pinoy master ng 9-2 panalo laban kay Bethany Sykes sa second round at 9-4 panalo kay Greg Sabins sa third round.

Inilampaso rin ni Go­mez sina Cameron Law­horne sa quarterfinals (9-3) at Scott Roberts (9-0) sa semifinals ng winners’ bracket para masungkit ang unang silya sa finals.

Kinailangan naman ni Bruner na dumaan sa butas ng karayom bago makahirit ng tiket sa finals.

Galing si Bruner sa lo­sers’ bracket kung saan isa-isa nitong iginupo sina Tuan Chau (9-7), Cary Dunn (9-5), Larry Kressel (9-3), Sabins (9-6) at Ro­berts (9-4).

Subalit natuldukan ang pagbabalik ni Bruner nang pigilan ito ni Gomez sa kanilang finals showdown.

Ito ang ikatlong titulo ni Gomez sa taong ito, matapos pagharian ang 2018 Derby City Classic Bigfoot 10-Ball Challenge noong Enero sa Elizabeth, Indiana at ang 2018 Music City Classic noon ding Enero sa Madison, Tennessee. 

Show comments