PATAFA binigyan ng taning sina Cray, Beram
MANILA, Philippines — Hindi basta-basta tatanggalin ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) sina Fil-Americans Eric Cray at Trenten Beram sa national team na isasabak sa 2018 Asian Games sa Palembang at Jakarta, Indonesia sa Agosto.
Kahapon ay binigyan ni athletics president Philip Ella Juico ng 10 araw sina Cray at Beram para magpaliwanag kung bakit hindi sila nakasali sa 2018 Korean Open noong nakaraang linggo.
Sinabi ng coach ni Cray, nakabase sa Texas, USA, na inuna ng SEAG gold medalist ang magtrabaho para sa kanyang asawa at apat na anak kesa lumahok sa naturang athletics event.
Bagama’t abala sa kanyang trabaho ay patuloy ang pag-eensayo ni Cray, tumatanggap ngayon ng monthly allowance na P27,000 mula sa dating P40,000 galing sa Philippine Sports Commission.
Ayon naman sa ama ni Beram, mismong ang Fil-Am trackstar ang nagbabayad ng kanyang sariling coach at nutritionist.
Nauna nang sumulat sina Cray at Beram sa PATAFA at humingi ng paumanhin sa hindi nila pagsali dahil diumano sa miscommunication. (RC)
- Latest