Bolick hinirang na Player of the Year
MANILA, Philippines — Pormal na iginawad kay Robert Bolick ng San Beda University ang Player of the Year award sa 2018 Collegiate Basketball Awards na ginanap kagabi sa The Bayleaf Hotel sa Intramuros, Manila.
Napili ng UAAP-NCAA Press Corps ang 6-foot-1 guard dahil naging instrumento ito upang masungkit ng Red Lions ang ika-21 kampeonato noong NCAA Season 93.
Tinalo ng San Beda ang Lyceum sa finals, 2-0.
Nagrehistro si Bolick ng 24 puntos tampok ang pito sa huling dalawang minuto ng laro para pamunuan ang Red Lions na makuha ang 94-87 panalo sa Game 1 kasunod ang pagtarak ng 22 markers tungo sa 92-82 pananaig sa Game 2.
Sa kabila ng kanyang pagsisikap, bigong makakuha si Bolick ng individual award.
Nadiskwalipika ito sa Mythical Team matapos ma-eject sa eliminasyon habang humulagpos din sa kamay ni Bolick ang Finals MVP na ibinigay sa kanyang teammate na si Donald Tankoua.
Si Bolick ang kauna-unahang NCAA standout na nakasungkit ng Player of the Year award. Makakasama nito sa listahan sina Jeron Teng at Ben Mbala ng De La Salle University, Kiefer Ravena ng Ateneo de Manila University at Mac Belo ng Far Eastern University.
Maliban sa Player of the Year award, pinamunuan din ni Bolick ang Collegiate Mythical Team kasama sina NCAA MVP CJ Perez ng Lyceum, Matt Nieto at Thirdy Ravena ng Ateneo at Mbala.
Itinanghal namang Coaches of the Year sina San Beda mentor Boyet Fernandez at Ateneo coach Tab Baldwin habang binigyan ng special awards sina Afril Bernardino ng National University, UE scoring machine Alvin Pasaol, ang Lyceum Pirates at sina Tankoua at Isaac Go ng Ateneo.
- Latest