MANILA, Philippines — Aminado si coach Tim Cone na malaki ang magiging kontribusyon ni veteran shooter Jeff Chan para sa Barangay Ginebra.
Matapos ang ilang buwan na pagpupursige ng Ginebra at Phoenix ay inaprubahan kahapon ni PBA Commissioner Willie Marcial ang paghugot ng Gin Kings sa 34-anyos na si Chan mula sa Fuel Masters.
Bilang kapalit ay ibinigay ng Ginebra sa Phoenix ang kanilang first round pick para sa darating na 2018 PBA Rookie Draft.
“We’ve been targeting him for months now because we’ve always seen him as a guy who can lift us to a higher level,” sabi ng two-time PBA Grand Slam champion mentor sa 6-foot-2 na si Chan, maglalaro sa kanyang ikaapat na PBA team matapos kunin bilang No. 17 overall pick noong 2008 PBA Rookie Draft.
Nagposte ang 34-anyos na si Chan ng mga averages na 11.5 points, 4.4 rebounds, 4.1 assists at 1.2 steals para sa Fuel Masters sa kasalukuyang 2018 PBA Commissioner’s Cup.
Maglalaro si Chan para sa Ginebra dalawang araw matapos kumamada ng 26 points sa 106-108 pagkatalo ng Phoenix laban sa Rain or Shine.
Lumakas ang pag-asa ng Gin Kings sa isa sa walong silya sa quarterfinal round ng mid-season conference matapos talunin ang Magnolia Hotshots, 104-84 paggiba sa kanilang ‘Manila Clasico’ noong Linggo.
Naniniwala naman si Phoenix coach Louie Alas na makakakuha sila ng magandang pick sa 2018 PBA Rookie Draft na inaasahang lalahukan nina Asean Basketball League standouts MVP Bobby Ray Parks Jr., Lawrence Domingo at Fil-American playmaker Jason Brickman bukod pa kina NCAA MVP CJ Perez ng Lyceum Pirates at Robert Bolick ng San Beda Red Lions.