MANILA, Philippines — Nakaiwas ang Columbian sa mapanganib na sitwasyon matapos wakasan ang kanilang tatlong sunod na kamalasan.
Humataw ang Dyip sa second half matapos matambakan ng double digit sa second period para resbakan ang Phoenix Fuel Masters, 115-107, sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor si import John Fields ng 29 points kasunod ang 18 at tig-15 markers nina Glenn Khobuntin, Jerramy King at Rashwan McCarthy, ayon sa pagkakasunod, para sa 4-5 record ng Columbian.
“Kailangan colective effort para makuha namin ‘yung panalo kasi last time sila lang eh,” ani Khobuntin kina Fields at McCarthy.
Hangad ng tropa ni head coach Ricky Dandan ang kanilang ikalawang quarterfinals stint matapos noong 2016 PBA Governor’s Cup.
Pinamunuan naman nina import Eugene Phelps at Matthew Wright ang Phoenix, may 3-5 baraha, mula sa kanilang 34 at 32 points, ayon sa pagkakasunod.
Itinayo ng Fuel Masters ang 14-point lead, 39-25, mula sa three-point play ni JC Intal sa 7:28 minuto ng second quarter.
Bumawi naman ang Dyip sa pagpapakawala ng 19-8 bomba para makalapit sa halftime, 44-48.
Ganap na naagaw ng Columbian ang 70-69 abante galing sa 3-point play ni McCarthy sa huling 2:31 minuto ng third period.
Ang dalawang free throws ni McCarthy ang nagbaon sa Phoenix sa 108-97 sa natitirang 1:18 minuto ng final canto.
Nalasap ng Fuel Masters ni mentor Louie Alas ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan.
Nagdagdag si rookie forward Jason Perkins ng 14 points para sa Phoenix.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Alaska at Magnolia kagabi habang isinusulat ito.