MANILA, Philippines — Darayo sa pagkakataong ito ang Philippine Superliga All Stars sa Baguio upang bigyang saya ang mga fans sa Summer Capital of the Philippines.
Bumabandera sa listahan sina Ces Molina, Chloe Cortez, Carmela Tunay at Rhea Dimaculangan ng reigning Grand Prix champion Petron kasama sina Kim Fajardo, Aby Maraño at Michelle Morente ng 2017 Grand Prix titlist F2 Logistics.
Papalo rin sina Aerieal Patnongon at Denden Lazaro ng Cocolife, Mikaela Lopez at Carol Cerveza ng Generika-Ayala, Jheck Dionela ng Cignal HD, Rica Rivera at Pamela Lastimosa ng Sta. Lucia Realty, Maika Ortiz at Carmina Aganon ng Foton, at sina Christine Agno at Mary Jane Balse-Pabayo ng Smart.
Idaraos ang Meet and Greet sa Hunyo 9 sa SM City Baguio sa alas-4 ng hapon habang lalarga ang Exhibition Game sa Hunyo 10 sa University of Baguio sa alas-5 ng hapon.
Ito ang ikalawang All Stars tour ng liga sa taong ito.
Una nang dumayo ang PSL sa Silay City Gym sa Bacolod noong Mayo 18 at 19.
Bahagi ito ng drum beating ng liga para sa nakatakdang pagbubukas ng PSL Invitational sa huling bahagi ng buwan.
Maliban sa Bacolod at Baguio, plano rin ng PSL na dalhin ang All Stars sa Laguna, Pangasinan, Bataan at Rizal.