MANILA, Philippines — Mula Blue Eagle patungong White Eagle.
Ito ang bagong landas ni five-time UAAP MVP Marck Jesus Espejo ng Ateneo de Manila University matapos itong kunin bilang import ng Oita Miyoshi Weisse Alder na naglalaro sa Japanese volleyball league.
Magsisimula ang kontrata ni Espejo sa White Eagle sa Setyembre 1 na aabot hanggang Mayo 5, 2019.
Naglaro na sa Pilipinas ang Oita Miyoshi Weisse Alder noong 2014 Asian Men’s Volleyball Championships na ginanap sa iba’t ibang venues sa Maynila kung saan nagtapos lamang ito sa ika-13 puwesto.
Nagsimula ang Oita Miyoshi Weisse Alder noong 2004 kung saan nasa ikalimang puwesto ito sa local league.
Umangat sa No. 1 ang Oita Miyoshi Weisse Alder noong 2005 at na-promote sa top league V1 na siyang nilalaruan ng tropa hanggang sa kasalukuyan.
Maganda ang record ng White Eagle.
Nagkampeon ito noong 2005-2006, 2014-2015 at 2016-2017 habang pumangalawa ang koponan noong 2013-2014, 2015-2016 at 2018-2019.
Umaasa ang Oita Miyoshi Weisse Alder na malaki ang maitutulong ni Espejo sa kanilang kampanya. (CCo)