Si Mayor na ang bahala

CEBU CITY, Philippines — Ibibigay ng Cebu City Sports Commission ang desisyon kay Cebu City Mayor Tomas Osmeña kung ano ang gagawin sa premyong P10 milyon na halaga ng sports equipment matapos hira­ngin bilang overall champion ng katatapos na 2018 Philippine National Games dito.

Humakot ang Cebu City ng kabuuang 52 gold, 64 silver at 56 bronze me­dals kasunod ang Baguio City (38-36-54), Mandaluyong (26-17-27) at Cebu Province (20-18-28).

Naglatag si Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez ng premyong P10 milyon na halaga ng sports equipment para sa magi­ging No. 1  habang ang No. 2, 3, 4 at 5 ay tatanggap ng P8 milyon, P6 milyon, P4 milyon at P2 milyon, ayon sa pagkakasunod.

Apat na ginto ang inangkin ng mga Cebuano sa dancesport sa pagsasara ng nasabing sports event na nilahukan din ng mga miyembro ng national team at training pool.

May plano si Ramirez na gawin ang 2019 PNG sa Davao City matapos ang Palarong Pambansa.

Samantala, isinulong ni Woman Grand Master Janelle Mae Frayna ng Albay Province ang gold medal matapos magreyna sa women’s blitz event ng chess competition.

Tumapos ang 22-anyos na si Frayna, nakatabla ang kapwa Olympiad veteran na si Shania Mae Mendoza ng Sta. Rosa, Laguna sa magkatulad nilang 7.0 points na may 51 points kumpara sa 49 points ng huli mula sa tiebreak score.

Ito ang ikalawang gold medal ni Frayna matapos manaig sa rapid event.

Show comments