FRESNO, Ca.--Kapwa nagpahayag ng kahandaan sina reigning IBF superflyweight champion Jerwin Ancajas at challenger Jonas Sultan sa sagupaang wala nang atrasan.
Pero, kahit liyamado at maraming pabor na siya ang mananalo sa Sabado (Linggo sa Manila), ayaw magkumpiyansa ni IBF superflyweight champion Ancajas laban kay Sultan.
Muling nagkaharap sina Ancajas at Sultan nitong Huwebes sa press conference sa Tioga Sequioa Brewing Company para sa kanilang 12-round encounter na gaganapin sa Save Mart Center dito.
Naniniwala si Ancajas (29-1-1, 20 KOs) na ang mga Pinoy boxers ay magagaling at mahirap kalaban. Kaya't inaasahan niyang pahihirapan siya ng kanyang challenger.
“Para sa akin, ang mga Filipino boxers all out pag lumalaban, mahirap kalaban sa ibabaw ng ring, kaya naghanda akong mabuti para maibigay ang lahat ng makakaya ko, gaya ng ginawa ko sa mga nakaraang laban,” lahad ni Ancajas.
Ang nasabing 12-round championship bout ay mula sa promosyon ng Top Rank, katuwang ang MP Promotions ni fighting Sen. Manny Pacquiao at ng ALA Boxing Stable.
Para naman kay Sultan (14-3), kahit sinong boksingero ay pangarap ang mapalaban sa championship at ngayong nasa harapan na niya ang pangarap, hindi na umano niya pakakawalan ang pagkakataon.
“Ito 'yung pangarap ko (championship fight). Pinag-aralan naming mabuti ‘yung style ni Ancajas at ito na ang opportunity ko na gawin ang lahat para manalo,” ani Sultan.
Samantala, sinabi ni Top Rank promoter Bob Arum na sakaling manalo si Ancajas, ay may dalawang laban pa itong nakatakda ngayong taon.
Sa Biyernes ng hapon (Sabado sa Manila) gaganapin ang official weigh-in ng laban kung saan nahirang sina Wayne Hedgpeth ng Los Angeles (reperi), Jonathan Davis, Daniel Sandoval at Zachery Young (judges).
Related video: