OAKLAND, California — Hindi hinayaan ng Houston Rockets na mabaon sa kanilang serye ng Golden State Warriors.
Ang unang three-point shot ni Eric Gordon sa laro ang nagbigay sa Rockets ng five-point lead sa huling 2:25 minuto ng fourth period patungo sa 95-92 pagtakas sa Warriors sa Game Four ng Western Conference Finals.
Umiskor si James Harden ng 30 points habang nagdagdag si Chris Paul ng 27 markers para itabla ang Houston sa 2-2 sa kanilang best-of-seven series ng Golden State.
Dadalhin ang Game Five sa Houston sa Biyernes (Manila time).
Tumapos naman si Gordon na may 14 points at humakot si PJ Tucker ng 16 rebounds habang may 13 boards si Clint Capela ng Rockets.
Nagtala si Stephen Curry ng 28 points kasunod ang 27 markers ni Kevin Durant 27 para sa Warriors, nagwakas ang NBA record na 16-game home playoff winning streak.
Ito ang unang road game win ng Houston laban sa Golden State playoffs sa kanilang franchise history.
Kapwa naglista ng double digit leads ang dalawang koponan bago idinikit ni Curry ang Warriors sa Rockets sa 89-91 agwat mula sa kanyang three-point play sa 3:18 minuto ng fourth quarter.
Matapos magpalitan ng mintis na triples sina Harden at Curry ay kumonekta naman ng tres si Gordon, naglista ng 0-for-6 shooting sa 3-point line para sa five-point cushion ng Houston sa huling 2:25 minuto ng laro.
Muling nakalapit ang Golden State sa 92-94 kasunod ang mintis na 16-footer ni Klay Thompson.
Nagsalpak si Paul ng isang free throw para ipreserba ang panalo ng Rockets, naipanalo ang apat sa anim nilang road games sa postseason.