MANILA, Philippines — Nagposte ng 1-2 pagtatapos ang magkapatid na sina El Joshua at Daniel Ven Cariño kahapon sa Stage 3 ng 2018 Le Tour de Filipinas mula Bambang, Nueva Vizcaya hanggang Lingayen, Pangasinan.
Sa kanilang tagumpay sa mahabang 185.2-kms. ride, sina El Joshua at Daniel Ven Cariño pa lamang ang magkapatid na nagwagi sa top two finish sa kasaysayan ng cycling sa bansa.
Nagtala ang magkapatid ng identical time na apat na oras, 28 minuto at 56 segundo habang ang 25-anyos na si El Joshua ang magsusuot ng yellow jersey mula kay teammate Ronald Oranza sa 154.65-kms. Stage 4 ngayong araw mula sa Pangasinan Provincial Capitol sa Lingayen hanggang sa Baguio City.
Tangan ni El Joshua ang mahigit apat na segundong bentahe sa kanyang kapatid na si Daniel. Si Oranza naman ay mahigit isang minuto at 41 segundo sa likuran ni El Joshua na nagrehistro ng 8:17.23.
Ang Koreanong si Hajeong Jiung ng Uijeongbu at ang Filipino na si Jan Paul Morales ay mahigit isang minuto at 48 segundo ang layo sa nangungunang Cariño brothers.
Napanatili naman ng Navy team ang overall lead sa kabuuang 24:56:04, mahigit tatlong segundo ang abante laban sa 7-Eleven team.
Ang Korean team na Uijeongbu Cycling ay ikatlo matapos ang 12 minuto at 35 segundo sa likuran ng nangungunang Navy sa kanilang 25:08:39.
“Strategy naman talaga palayuin lang yung gap. Dito sa last kilometer, nakapag-decide kami na kuhain na talaga, kasi ang hinahabol talaga namin yung time gap,” sabi ni El Joshua Cariño.