MANILA, Philippines — Sisimulan nina reigning World 9-Ball champion Carlo Biado at Jeffrey De Luna ang kampanya nito ngayong araw sa pagsambulat ng prestihiyosong World Cup of Pool sa Luwan Arena sa Shanghai, China.
Makakasagupa nina Biado at De Luna sina Matt Edwards at Marco Teutscher ng New Zealand sa first round ng torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association at naglaan ng $250,000 kabuuang premyo tampok ang $60,000 para sa magkakampeon.
Hawak nina Biado at De Luna ang No. 4 seed habang top picks sina defending champions Mario He at Albin Ouschan ng Austria, second seeds sina Wu Jiaqing at Liu Haitao ng China-A at third seeds sina Chang Jung-Lin at Cheng yu-Hsuan ng Chinese-Taipei.
Kung makakapasok sina Biado at De Luna sa second round, makakalaban ng dalawang Pinoy cue masters ang mananalo sa pagitan nina Imran Majid at Mark Gray ng England at Ryu Seung Woo at Jeong Young-Hwa ng South Korea.
Uumpisahan naman nina Ouschan at He ang pagdepensa sa titulo laban kina Alejandro Carvajal at Enrique Rojas ng Chile.
Ipatutupad ang race-to-seven format sa unang dalawang rounds.
Hangad nina Biado at De Luna na maibalik ang korona sa bansa at makuha ang ikaapat na korona ng Pilipinas sa World Cup of Pool.