Sa haharaping Laban Vs Matthysse
MANILA, Philippines — Hindi sa Cebu City nagtungo si Floyd Mayweather Jr. kahapon kagaya ng inaasahan kundi sa Davao City, ang probinsya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang pagdating sakay ng private plane ay sinalubong si Mayweather ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.
“I’m happy to be here, the hospitality, so many great people,” wika ni Mayweather.
Nagpakuha ng larawan sina Mayweather at Go at matapos ito ay nagkamayan.
“Namasyal lang po siya sa dagat dito sa Davao. Gusto niya kasi ang mga dagat, nandito sila para mag-relax at mamasyal,” wika naman ni Go sa 41-anyos na American boxing legend na dumating sa bansa noong Martes ng umaga.
Nakatakdang magtungo ang grupo ni Mayweather sa Pearl Farm Beach Resort sa Samal Island.
Nanggaling si Mayweather sa El Nido, Palawan at noong Miyerkules ay namasyal sa Mall of Asia sa Pasay City at pumasok sa dalawang tindahan ng sapatos.
Nang magutom ay kumain si Mayweather sa Chicken Inasal.
Sa isa namang press conference sa Ortigas Center ay natanong si Mayweather para sa kanyang opinyon sa paghahamon ni Manny Pacquiao kay WBA welterweight king Lucas Matthysse sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“We’re in the Philippines, we all gonna wish Manny good luck,” wika ni Mayweather, tinalo si Pacquiao via unanimous decision sa kanilang super fight noong Mayo ng 2015.
Determinado ang 39-anyos na si Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) na maagawan ng WBA belt ang 35-anyos na si Matthysse (39-4-0, 36 KOs) matapos maisuko ang dating hawak na WBO crown kay Jeff Horn noong Hulyo ng 2017 sa Brisbane, Australia.
Inangkin ni Matthysse ang bakanteng WBA title via eighth-round knockout win laban kay Teerachai Kratingdaeng Gym ng Thailand sa The Forum sa Inglewood, California noong Enero.