Cavs tinakasan ng Pacers sa Game 3
INDIANAPOLIS — Nagpasabog si Bojan Bogdanovic ng 30 points para pangunahan ang Indiana Pacers sa pagbangon mula sa 17-point halftime deficit at agawin ang 92-90 panalo laban sa Cleveland Cavaliers sa Game Three ng kanilang first-round playoffs series.
Ang tagumpay ang nagbigay sa Pacers ng 2-1 bentahe laban sa Cavaliers sa kanilang serye.
Nagtala ang Cleveland ng 39-0 record sa regular season kapag nasa kamay ang kalamangan matapos ang tatlong quarters.
Diniskaril ng Indiana ang gabi kung saan nakasama ni LeBron James si Michael Jordan bilang mga tanging players sa playoff history na nagtala ng record na 100 double-doubles.
Tumapos si James na may 28 points at 12 rebounds na hindi naging sapat para akayin ang Cavaliers sa panalo laban sa Pacers.
Nakumpleto ni Bogdanovic ang kanyang four-point play para ibigay sa Indiana ang 81-77 abante sa 6:10 minuto ng fourth period bago ito gawing seven-point lead.
Ang magkasunod na three-point shots nina James at Kevin Love ang nagdikit sa Cleveland sa 90-91 agwat sa natitirang pitong segundo sa laro.
Sa Washington, humugot si Bradley Beal ng 21 sa kanyang 28 points sa first half habang nagtala ang kanyang All-Star backcourt running mate na si John Wall ng 28 points at 14 assists para ihatid ang Wizards sa 122-103 panalo laban sa Toronto Raptors at makalapit sa 1-2 sa kanilang serye.
Binanderahan naman ni DeMar DeRozan ang Raptors mula sa kanyang 23 points at nag-ambag si Kyle Lowry ng 19 points at 8 assists.
Sa Milwaukee, tumapos si Khris Middleton na may 23 points at nagdagdag si Giannis Antetokounmpo ng 19 markers para tulungan ang Bucks sa 116-92 paggiba sa Boston Celtics at makadikit sa 1-2 sa kanilang serye.
Nag-ambag sina Eric Bledsoe at Jabari Parker ng tig-17 points para sa Bucks, hindi pinaiskor ang Celtics sa loob ng 11 minuto sa first half.
- Latest