Palaro dominado uli ng Big City Athletes
VIGAN, Ilocos Sur, Philippines(via STI) — Kasabay ng tuluyan nang pag-angkin ng National Capital Region sa overall championship ay ang pagtatayo ng mga bagong record sa swimming at athletics events ng 2018 Palarong Pambansa kahapon dito sa President Elpidio Quirino Stadium.
Naglista ng bagong marka si Thanya Angelyn Dela Cruz ng NCR sa girls’ 13-17 100m breaststroke sa kanyang 1:17.35 para burahin ang 1:17.56 ni Mary Sophia Manantan sa trials.
Kinuha naman ng 11-anyos na si Micaela Jasmine Mojdeh ng NCR ang kanyang ikaanim na gold medal nang pamahalaan ang girls’ 12-under 100m breaststroke sa oras na 1:19.59 para idagdag sa nauna niyang limang panalo sa 100m butterfly, 200m individual medley, 50m butterfly at 4x50m at 4x100m medley relay.
Kumolekta ang mga NCR athetes ng 78 gold, 57 silver at 43 bronze medals para angkinin ang kanilang pang-15 sunod na overall championship simula noong 1996 sa South Cotabato.
Nasa ilalim ng NCR sa overall medal tally ang Region IV-A (47-37-58), Region VI (37-36-45), CARAA (23-17-19), Region XII (21-19-27), Region VII (20-18-20), Region III (14-19-21), Region X (14-16-22), Region XI (10-17-20), Region II (9-6-13), Region V (8-15-26), CARAGA (7-10-16), Region VIII (7-10-7), Region I (7-9-24), Region IV-B (4-10-7), Region IX (0-8-16) at ARMMAA (0-0-1).
Sa athletics, sinira ni Kent Brian Celeste ng Region 8 ang 2015 mark na 1.95m ni Alexis Soqueno para ilista ang bagong record na 1.99m sa secondary boys’ high jump at angkinin ang ginto.
Ibinasura naman ng tropa nina Jessel Lumapas, Charlaine at Charmaine Deocampo at Erica Marie Ruto ng Region IV-A ang dating 2017 time na 3:54.37 para sa mas mabilis na 3:53.97 sa secondary girls’ 4x400m relay.
Ito ang ikaapat na ginto ng 17-anyos na si Lumapas ng Dasmariñas East Integrated National High School at anak ng isang security guard, matapos magreyna sa 100m 200m at 400m (56.28-record).
Sinikwat naman ni Krisha Aguillon ng Region VI ang kanyang ikalawang gold medal nang makasama sina Cherrylyn Santiago, Athena Rose Besana at Jey Anne Dieta sa panalo sa elementary girls’ 4x100m relay.
Sa volleyball, hinataw ng NCR at Region IV-A ang gintong medalya sa secondary girls’ at boys’ division, ayon sa pagkakasunod.
Sa secondary boys’ basketball, paglalabanan ng Big City cagers at Region XI ang gold medal matapos gibain ang Region IV-A, 91-81 at Region VI, 85-80, ayon sa pagkakasunod, sa kani-kanilang semifinals match.
Samantala, ikinatuwa ni Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga records na nabasag ngayong edisyon ng Palarong Pambansa.
“With so many records falling one after the other, we are all convinced that we are seeing the dawn of a new renaissance in Philippine sports. It shows that our youth have grown faster, tougher and stronger,” sabi ni Ramirez. “These bid well for the future of sports in the country as it paints a hopeful picture of a greener athletic landscape.”
- Latest