Batangas Athletics kampeon sa MPBL
MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinapos ng Batangas Athletics ang pag-asa ng Muntinlupa Cagers matapos ang 68-66 panalo sa Game 4 ng kanilang best-of-five finals series upang angkinin ang titulo sa inaugural staging ng 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Rajah Cup noong Huwebes ng gabi sa Muntinlupa City Sports Complex.
Hindi na pinalampas pa nina Moncrief Rogado, Bong Quinto at Paul Varilla ang pagkakataon para sa 3-1 panalo sa serye at matanggap ang mahigit P1 million top prize at 24-inches trophy mula kay MPBL founder Sen. Manny Pacquiao.
Nakatanggap din ng P500,000 ang Cagers bilang runner-up prize.
Unang tinalo ng Batangas ang Cagers sa Game 1 (70-64) at Game 2 (78-74) sa kanilang homecourt bago ang panalo ng Muntinlupa sa Game 3 (82-77) sa teritoryo ng Cagers noong Martes.
Malaki ring dagok sa Cagers ang kanilang kahinaan sa free throw lane kung saan umani lamang ang home team ng 15 sa 31 attempts.
Mula sa 15-point deficit, 28-43 sa first half, naibaba na sana ng Muntinlupa sa pamamagitan nina Pari Llagas at Dave Moralde ang agwat ng Batangas sa dalawang puntos lamang, 63-65 mahigit 18.2 segundo na lang ang nalalabi.
Pero, isa lamang sa apat na free throws ang naipasok ng Cagers sa charity line na siyang nagbigay daan para masungkit ng Athletics ang pang-pitong panalo sa playoff round kabilang na ang sweep sa quarterfinals at semifinal round.
“Ang adjustments na ginawa namin ay very crucial sa aming panalo ngayon. Lahat ng mga players ko ayaw ng bumalik pa sa Muntinlupa. Ayaw din nilang pahabain pa ang serye, siguro pagod na sila kaya gusto na nilang tapusin ang finals,” ani coach Mac Tan.
Pinangunahan ni Rogado ang Athletics sa kanyang 14 puntos habang 12 naman kay Quinto at 10 mula kay Varilla.
Si Llagas ay umiskor ng 19 puntos na may kasamang 14 rebounds at dalawang blocks para sa Cagers.
- Latest